Kumbinsido si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pangangailangang repasuhin ang umiiral na Party-List System Act dahil lumilitaw na hindi na nasusunod ang tunay na intensyon ng batas.
Ito ay kasunod ng pag-aaral ng poll watchdog na Kontra Daya na nagsasabing mahigit kalahati ng partylist groups ay hindi kumakatawan sa marginalized at underrepresented sector sa ating lipunan.
Ayon kay Escudero, marami ng mga naging desisyon ng Korte na nagpapatunay na hindi nasusunod ang tunay na diwa ng batas ukol sa partylist.
Anuman aniyang pagrepaso sa PartyList law ay dapat magsimula sa pagtukoy kung ano ang mga sektor sa ating lipunan ngayon ang nangangailangan ng representasyon o kinatawan sa Ķongreso.
Binigyang-diin pa ng senador na sa sandaling makumpleto ang talaan ng mga sektor na nangangailangan ng representasyon ay saka naman pagdesisyunan kung paano at sino ang dapat kumatawan sa mga ito.
Ayon kay Escudero, meron na silang ginawa na kahalintulad nito sa ipinasang batas ukol sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan kanilang kinilala kung ano ang pagkakaiba ng sectoral mula sa party representatives.
Binigyang-diin pa ng senate leader na sa pagkakaalam niya mayroon ng mga naihaing panukala sa Senado na nagsusulong ng pagrepaso sa Partylist Systems Act subalit nasa committee level pa lamang ang mga ito.