Nakikita ng isang kongresista na taktika ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagsama kay former DepEd Spokesman Atty. Michael Poa sa legal team nito para sa napipintong paglilitis ng impeachment court.
Ayon kay Tingog Rep. Jude Acidre, legal maneuver ito para pigilan si Poa na tumistigo laban sa Bise Presidente dahil igigiit nila ang lawyer-client confidentiality.
Inalala ni Acidre na ilang beses ding humarap si Poa sa House Quad Comm at sa Committee on Good Gov’t and Public Accountability, at nakita na marami itong alam sa kinukwestyong confidential funds.
Ayon naman kay House Asst. Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City, ngayong bahagi na ng legal team ni VP Sara si Atty. Poa, hindi na madali na gawin itong witness bagaman at paulit-ulit din nitong itinanggi na may alam siya sa paglustay sa hinahabol na pondo.