dzme1530.ph

PAGPAPATUPAD NG BIR NG REGISTRATION SEAL BADGE, IGINIIT NA IPAGPALIBAN

Loading

IGINIIT ni Senator Bam Aquino sa Bureau of Internal Revenue o BIR ang pagpapaliban ng pagpapatupad ng requirement na registration seal badge o alisin ang mga multa sa mga hindi makasusunod dito hanggang sa katapusan ng taon.
 
Ito, ayon kay Aquino, ay upang hindi na madagdagan ang mga pasanin ng online businesses sa gitna ng krisis sa enerhiya at langis.
 
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng mga pangamba ng ilang online businesses kaugnay ng patakaran ng BIR na nag-aatas sa kanila na magpakita ng badge bago o sa Oktubre 31, 2026, alinsunod sa Revenue Regulations No. 015-2024.
 
Dahil marami pa rin anyang kalituhan at kakulangan sa paliwanag ukol sa patakarang ito, mas maganda kung ihinto muna ito o huwag munang patawan ng multa ang mga online businesses hanggang sa katapusan ng taon upang mabawasan ang kanilang alalahanin habang inaayos pa ang kanilang compliance.
 
Sa ilalim ng Revenue Regulations No. 15-2024, may katapat na multa ang mga paglabag na may kinalaman sa pagpaparehistro at pagpapaskil ng mga dokumento ng rehistro.
 
Kabilang dito ang multang ₱1,000 para sa late voluntary registration, ₱1,000 para sa hindi pagpaparehistro ng pangalan ng tindahan o negosyo, at ₱1,000 sa bawat paglabag sa hindi pagpapaskil ng Certificate of Registration o Electronic Certificate of Registration sa lugar ng negosyo o sa kaukulang online platform.
 
Hinikayat din ni Aquino ang BIR na magsagawa ng public consultation sa online sellers at content creators para linawin ang bagong requirement at sagutin ang mga katanungan ukol sa privacy at proteksiyon ng kanilang personal information.
 
Iginiit ni Aquino na bagaman may responsibilidad ang mga negosyo na sumunod sa tax regulations, dapat ding tiyakin ng gobyerno na ang mga requirement nito ay simple, malinaw at accessible sa mga ordinaryong taxpayers, lalo na sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

About The Author