![]()
MULING iginiit ni Senador Erwin Tulfo ang pangangailangang palakasin ang transparency sa pagpepresyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Sinabi ni Tulfo na ang Republic Act No. 8479 ay ipinatupad upang itaguyod ang kompetisyon, matiyak ang sapat na suplay ng langis, at maprotektahan ang interes ng mga Pilipino.
Gayunman, aminado siyang may mga puwang na lumitaw sa implementasyon nito sa paglipas ng panahon.
Ayon sa senador, isa sa mga pangunahing isyu ay ang kakulangan ng transparency sa pagpepresyo ng petrolyo sa mga gasolinahan.
Ito anya ang tinutugunan ng panukalang batas na inakda nila ni Senador Sherwin Gatchalian.
Ipinaliwanag ng senador na hindi layunin ng panukala na buwagin ang deregulation o hadlangan ang lehitimong operasyon ng mga negosyo.
Sa halip, pinatitibay nito ang pananagutan sa pamamagitan ng malinaw na mekanismo kung paano tinutukoy ang presyo ng petrolyo sa ating bansa.
Idinagdag pa niya na sa kasalukuyan, hindi obligado ang mga oil company na ilahad ang detalyadong batayan ng aktwal na gastos sa inaangkat na langis, gaya ng acquisition cost, freight charges, buwis, at iba pang sangkap na bumubuo sa presyo sa pump.
Binanggit din ni Tulfo na tila ang Pilipinas lamang sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN ang nakapagtala ng halos 50 porsyentong pagtaas sa presyo ng petrolyo. Aniya, mabilis tumaas ang presyo ng langis sa bansa kapag tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado, ngunit mabagal at limitado ang rollback kapag bumababa ang global prices.
