dzme1530.ph

PAGGUGOL NG BAHAGI NG CONFIDENTIAL FUND NI VP SARA DUTERTE, HINIMAY SA IMPEACHMENT COURT

Loading

HINIMAY ng House Prosecution Panel ang bahagi ng confidential fund na ginastos ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
 
Sa pagharap ni dating state auditor ng Commission on Audit – Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) Roderick Wamil sa Impeachment Court, idinetalye niya ang isinagawa niyang pag-audit sa P500 million na confidential fund sa OVP.
 
Unang isinalang sa pagtatanong kay Wamil ang P125 million na nailabas ng OVP sa huling quarter ng 2022.
 
Inihayag ni Wamil na batay sa mga isinumiteng acknowledgment receipts ng OVP umabot sa P125,150,000 ang ginugol ng OVP.
 
Naging kapuna-puna anya batay sa mga dokumento na bagama’t ang disbursement ng P125 million ay may petsang December 21 hanggang 31, 2022 subalit ang mga acknowledgement receipts ay may mga date na December 2023.
 
Sinabi ni Wamil na naging kapuna-puna rin ang ilang mga pinaglaanan ng pondo na kinabibilangan ng pagbili ng mga gamot, ilang mga supply gayundin ang mga tables and chairs at desktops na hindi suportado ng sales invoice.
 
Muli rin namang lumutang sa ang mga kontrobersyal na pangalan sa paggugol ng confidential fund tulad ng Mary Grace Piattos, Renan Piattos, Janice Marie Revilla, Nova Santos, Mico Harina, Alejandro Pikit, Gabriel Bisaya at Andy Lim na mga nakapirma sa mga iprinisintang acknowledgement receipts.
 
Sinabi rin ni Wamil sa korte na dahil sa mga nakitang illegal, irregular at improper disbursements ay nagpalabas sila ng notice of suspension o temporary disallowance sa naturang pondo.
 
Hindi naman natapos ang paghimay pa sa tatlo pang tig-P125 million na confidential fund na nairelease sa OVP sa unang tatlong quarters ng 2023 dahil sa kakapusan ng oras.
 
Kaya bukas, alas 10 ng umaga ay muling sasala sa direct examination ang testigo.
 
Kasabay nito, kinumpirma ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na inaprubahan nila ang hiling ng BDO Unibank at Security Bank na dagdag na 10 araw para makapagsumite ng karagdaganng hinihinging dokumento.
 
Binigyan ng korte ang dalawang bangko ng hanggang August 31 upang makatugon sa lahat ng mga dokumentong ipinasusumite ng korte.
 
Bukod anya sa dalawang bangko, nakatugon na ang ibang bank entities gayundin ang Bureau of Internal Revenue at Anti-Money Laundering Council sa subpoena na inisyu sa kanila ng Impeachment Court kaugnay sa bank at tax records ni Vice President Sara Duterte, asawang si Atty Mans Carpio at 20 korporasyon na may kaugnayan ang mag-asawa.

About The Author