Inaprubahan ng Comelec ang hirit ng Department of Agriculture (DA) na huwag isama ang pagbebenta ng National Food Authority (NFA) rice sa mga local government unit (LGU) mula sa spending ban para sa May 2025 midterm elections.
Sa memorandum na nilagdaan ni Comelec Chairman George Garcia, inihayag ng law department ng komisyon na ang pagbebenta ng bigas ng NFA sa mga LGU ay hindi saklaw ng spending restrictions na nakasaad sa Omnibus Election Code.
Ipinagbabawal kasi sa mga probisyon ang pamamahagi ng public funds para sa social welfare and services projects tuwing panahon ng Halalan.
Gayunman, nilinaw ng poll body na ang mga kahalintulad na proyekto ay inilalarawan bilang inisyatibo ng gobyerno naglalayong tulungan ang mahihinang sektor sa lipunan.