dzme1530.ph

Pagbabawal ng referral ng mga doktor sa health service entities na mayroon silang pakinabang, dapat isabatas

Nais ni Sen. Christopher Bong Go na magkaroon ng batas na magbabawal sa mga doktor na mag-refer sa mga pasyente sa partikular na health service entities na kung saan ang doktor o ang kaanak nito ay may pakinabang o kumikita.

May kinalaman ito sa sinasabing sabwatan ng ilang doktor at isang pharmaceutical company para sa isa umanong multi-level marketing (MLM) scheme at commercialization ng mga health services.

Iginiit ng Chairman ng Senate Committee on Health, na sa Pilipinas ay walang batas na direktang nagbabawal sa mga physicians na magrefer sa mga pasyente ng mga health services hindi tulad sa Estados Unidos na may US Stark Law.

Oras aniya na magkaroon ng batas na magreregulate sa self-referral ng mga doktor ay maiiwasan ang pagbibigay direktiba sa mga pasyente na kumuha ng health services mula sa partikular na kumpanya na kung saan ang physician o ang kaanak nito ay may pinansyal na interes o kumikita rin pala.

Una nang ibinunyag nina Senators JV Ejercito, Raffy Tulfo at Jinggoy Estrada na ilang mga government doctors ang nakakatanggap din umano ng komisyon, luxury cars, byahe abroad at cash gifts kapag nakamit ang ‘sales quota’ sa pag-refer ng mga gamot mula sa isang kumpanya.

About The Author