dzme1530.ph

NCRPO chief, 14 pulis, inireklamo ng extortion

Sinampahan ng reklamo si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Major Gen. Sidney Hernia at 14 pang pulis, bunsod ng umano’y extortion o pangingikil, kasunod ng raid sa Malate, Maynila.

Nagtungo sa National Police Commission ang apat na Chinese citizens na inareseto ng PNP Anti-Cybercrime Group sa raid laban sa Online scammers, para humingi ng tulong.

Sa reklamo na naka-address kay Interior Secretary Jonvic Remulla, sinabi ng mga complainant na iligal ang pagdakip sa kanila at hindi sila binasahan ng arresting officers ng kanilang mga karapatan.

Isa sa mga dayuhan ang nagsabing tinangka pa ng mga pulis na kikilan sila ng tig-isang milyong piso kapalit ng abogado na umano’y may koneksyon sa matataas na opisyal sa NCRPO para sila ay makalaya.

Nakipagtawaran umano ang mga Tsino sa mga Pulis nang hanggang kalahating milyong piso bawat isa, at sinamantala nila ang pagkakataon para makahingi ng tulong sa kanilang mga pamilya at kaibigan upang mabuo ang hinihinging pera.

Bukod sa kasong administratibo, nais din ng Chinese nationals na patawan ng preventive suspension si Hernia upang maiwasan ang posibleng impluwensya, habang gumugulong ang imbestigasyon. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

 

 

About The Author