Hiniling ng mga opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) sa Supreme Court na ibasura ang mga petisyong inihain ng magkakapatid na Duterte para palayain at pauwiin sa Pilipinas ang kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa 33-pahinang consolidated compliance, inihirit ng DOJ sa Korte Suprema na ibasura ang petitions for habeas corpus dahil sa pagiging moot at kawalan ng merito.
Iginiit ng DOJ na moot na ang petition dahil wala na sa mga opisyal ang legal at physical custody sa dating Pangulo, at ang writ of habeas corpus ay enforceable lamang sa Pilipinas.
Idinagdag ng ahensya na ang naturang writ ay para pakawalan ang isang indibidwal mula sa unlawful restraint, na hindi naman nangyari kay Duterte, dahil mayroon itong arrest warrant mula sa International Criminal Court.