dzme1530.ph

Mga lokal na pamahalaan, pinaalalahanan sa papel sa implementasyon ng total POGO ban

Loading

Ipinaalala ni Sen. Sherwin Gatchalian na malaki ang papel na dapat gampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng direktiba sa tuluyang pagbabawal sa mga POGO sa bansa.

Ginawa ng chairman ng Senate Committee on Ways and Means ang paalala sa papalapit na December 31 deadline para sa total ban sa mga POGO.

Ayon kay Gatchalian, nagtakbuhan na sa mga probinsya ang mga POGO Operations na mas maliit kaya’t mas dapat matyagan ng mga LGU.

Napatunayan na aniya ito sa sinalakay ng NBI na POGO Operation sa Panabo City, Davao Del Norte kamakailan kung saan karamihan ng mga dayuhang nahuli ay galing sa mga nagsarang POGO sa Metro Manila at karatig-lugar.

Sinabi ni Gatchalian na maaring maparusahan ang mga Alkalde na magpapabaya sa kanilang tungkulin.

Hindi anya katanggap-tanggap ang katwiran na hindi nila alam ang operasyon ng POGO sa kanilang nasasakupan.

Pinayuhan ng senador ang mga LGU na makipag-ugnayan sa PNP, iba pang Law Enforcement Agencies, ganundin sa Cagayan Economic Zone Authority, Freeport Area of Bataan at Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR) para sa pagpapatupad ng total ban. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author