dzme1530.ph

MGA KRITIKO NI PBBM SA FLOOD CONTROL PROJECTS, DAPAT MATAHIMIK NA, AYON KAY SEN LACSON

Loading

DAPAT nang matahimik ang mga kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na nag-aakusa ng mahinang pamumuno at kawalan ng aksyon sa maanomalyang flood control projects.
 
Ito ang iginiit ni Senador Panfilo Lacson matapos makasuhan at maaresto na si dating House Speaker Martin Romualdez.
 
Si Romualdez ang isinasabing utak ng mga ghost projects ng flood control at sinasabi ring hinatiran ng mga male-maletang kickback ng mga tauhan ni dating Cong. Zaldy Co.
 
Sinabi ni Lacson na dapat matahimik na ang mga kritiko ng Pangulo sa mga nagiging aksyon nito laban sa maanomalyang proyekto.
 
Maging ang Ombudsman anya ay dapat mabigyan ng papuri at suporta mula sa mga Pilipino.
 
Idinagdag pa ni Lacson na hayaan na gumulong ang paglilitis at mailatag ang mga ebidensya ngayong nahaharap na sa mga kaso sa korte ang dating Speaker.
 
Naunang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ikinukunsidera nang person deprived of liberty si Romualdez matapos isilbi ang warrant ng Sandiganbayan habang nasa Cardinal Santos Medical Center.
 
Samantala, hindi na nakapagpigil si Lacson sa banat ng isa nitong basher na tinawag siyang bading.
 
Sumagot si Lacson sa X at sinabing hindi siya kilala ng basher na hindi rin naman niya kilala at kung bading siya ay wala nang makikitang macho sa mundo.

About The Author