dzme1530.ph

MGA BAGONG TESTIGONG LUMUTANG KAUGNAY SA MAANOMALYANG INFRASTRUCTURE PROJECT SA TAGUIG, KINUMPIRMA NI SEN. PING LACSON

Loading

Kinumpirma ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may mga bagong testigong lumutang upang maglahad ng detalye hinggil sa paghatid ng kahon-kahong pera kaugnay ng mga maanomalyang infrastructure project sa Taguig City.

Ayon kay Lacson, dumulog ang mga testigo sa Ombudsman upang ibahagi ang mga detalye ng mga naturang paghatid, kabilang ang hindi bababa sa isang delivery na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso.

Idinagdag ng senador na kabilang ang impormasyong ito sa mga ebidensyang sinusuri sa fact-finding investigation ng Ombudsman.

Una nang isinumite nina Lacson at ng kanyang team sa Ombudsman ang may 45 case studies, kalakip ang mga opisyal na dokumento, na naglalahad ng “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project.

Iginiit ni Lacson na batay sa takbo ng imbestigasyon ng Ombudsman, hindi na siya magugulat kung magsampa ito ng mga kaso laban sa mga sangkot bago matapos ang taon.

Samantala, sinabi ni Lacson na lumalabas sa mga bagong findings mula sa Philippine Reclamation Authority na umabot na sa 170 hectares ang unauthorized encroachment sa Laguna Lake sa panig lamang ng Taguig City—doble sa unang pagtatayang 85 ektarya.

Magiging isang “blessing” aniya kung makukumpiska ng pamahalaan ang lupain dahil itinuturing itong prime property—at mas malaking blessing kung makatutulong ito upang maibsan ang epekto ng reclamation.

Binigyang-diin din ni Lacson na hindi dapat magtapos sa forfeiture pabor sa pambansang pamahalaan ang usapin at dapat magsampa ng mga kaso laban sa mga responsable.

About The Author