dzme1530.ph

Mayor Guo, ‘di dapat palusutin sa paglalaro sa mga batas ng Pilipinas

Walang katanggap-tanggap na katwiran at dapat panagutan ni suspended Mayor Alice Guo ang kanyang paglalaro sa mga batas ng bansa makaraang magpakilala bilang tunay na Pilipino.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian makaraang kumpirmahin ng National Bureau of Investigation na nagmatch ang fingerprints ng alkalde at ng Chinese na si Guo Hua Ping.

Bukod anya sa nagmatch na fingerprints, sapat nang mga ebidensya laban kay Guo ang records sa Bureau of Immigration ng travel nito kasama ang kanyang kapatid at ang Special Investor Residence Visa na ibinigay sa kanyang ina na si Lin Wen Yi.

Hindi aniya dapat palampasin ang mga krimeng ginawa ni Guo at dapat itong papanagutin sa lalong madaling panahon.

Iginiit pa ni Gatchalian na ang mga katulad ni Guo na nag-aakalang mabibili ang pagiging Pilipino ay dapat maparusahan nang husto.

Nangako pa ang senador na hindi titigil sa pagsisiyasat hanggang sa wala nang iba pang mga “Alice Guo” ang makalulusot at makatatakas sa ating batas.

About The Author