![]()
Umaabot sa mahigit ₱1 trillion ng ₱7.2-trillion na panukalang budget para sa susunod na taon ang red flag o nakababahala.
Ito ang iginiit ni AJ Montesa, co-convenor ng People’s Budget Coalition, batay sa kanilang pagsusuri sa panukalang pondo.
Sinabi ni Montesa na binubuo ito ng ₱210 billion na soft pork na tumutukoy sa mga patronage-driven na ayuda; ₱695 billion na hard pork na tumutukoy sa politicized na infrastructure projects; at ₱112 billion na shadow pork o unprogrammed appropriations.
Iginiit ni Montesa na kung ito ang titignan, maituturing ang budget na higit na nagsisilbi sa mga pulitiko kaysa sa taumbayan.
Ito anya ang piniling sistema ng Kamara na public money for medical and crisis assistance na aabot sa tao kapag inendorso ng tamang pulitiko.
Halos dinoble anya ng Kamara sa ₱137 billion ang itinakda sa National Expenditure Program proposed budget na ₱72 billion para sa ayuda lines na Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, MAIFIP o Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients, Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolks, at Tulong Dunong.
Binawasan naman ng Kamara ang budget para sa health promotion, immunization at health facilities.
Kaya naman hiniling ng grupo sa Senado na i-realign ang nasabing mga ayuda budget.
