![]()
Napuna ng People’s Budget Coalition ang halos pitong libong proyekto na umaabot sa ₱190 billion insertion ng Kamara sa budget ng Department of Public Works and Highways para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Ken Abante, co-convenor ng People’s Budget Coalition, na walang published project attachments ang mga proyekto na kinabibilangan ng halos 6,200 na multi-purpose buildings na umaabot sa ₱172 billion ang halaga.
Pinakamalaki anyang insertion ay para sa DPWH Ilocos Norte First District sa halagang ₱4.375 billion na saklaw ni House Majority Leader Sandro Marcos.
Pasok din sa top 10 ng malalaking insertions ang DPWH District Engineering Offices sa:
• Misamis Occidental Second District, ₱1.81 billion
• Davao de Oro Second District, ₱1.74 billion
• Isabela Fourth District, ₱1.68 billion
• South Cotabato Second District Office, ₱1.64 billion
• Bohol First District, ₱1.49 billion
• Nueva Ecija First District Office, ₱1.35 billion
• Batangas Second District Office, ₱1.31 billion
• Zambales Second District, ₱1.2 billion
• Eastern Samar Lone District, ₱1.12 billion
Napuna rin ng organisasyon ang insertion ng Kamara sa Department of Health na umaabot sa ₱2 billion para sa 180 health facilities.
Mayroon ding mahigit 200 irrigation projects na nagkakahalaga ng ₱7 billion sa National Irrigation Authority, at sa Department of Agriculture ay halos ₱6 billion para sa 350 new projects na kinabibilangan ng may coordinates sa Benham Rise, Celebes Sea at ilang gusali na nasa Algeria at Nigeria.
Nilinaw ni Abante na hindi nila sinasabing may katiwalian, pero kung walang published project document, dapat tanggalin ng Senado at kung hindi man, i-veto ng Pangulo.
Muling nagbabala ang grupo na kung hindi lilinisin ang national budget at kung isasabatas ang inaprubahan ng Kamara, posibleng magkaroon ulit ng flood control scandal sa ibang ahensya dahil pareho ang modus operandi ng insertions sa nagdaang budget na idineklarang unconstitutional.
