dzme1530.ph

Isa pang senador, sinita ang DPWH sa kakulangan sa pagpapatupad ng flood control projects

Nakiisa na rin si Sen. Alan Peter Cayetano sa paninita sa Department of Public Works and Highways kaugnay sa kakulangan nila sa pagpapatupad ng mga flood control projects.

Sinabi ni Cayetano na nabawasan sana ang mga epekto ng Bagyong Carina kung natapos lang ng DPWH ang matagal nang flood control projects nito.

Sinabi ng senador na may halos 10 taon nang naantala ang completion ng mga flood control projects sa kabila ng mataas na pondong inilalaan ng Kongreso.

Kinuwestiyon din ni Cayetano ang maintenance at rehabilitation budget ng DPWH, na lumampas sa ₱200-B at umabot sa ₱737-B.

Bilang chairman ng Senate on Science and Technology, hinimok din ni Cayetano ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na palakasin ang modernization program at hazard mapping nito upang tulungan ang DPWH sa pagpili ng mga magandang lokasyon para sa flood-related infrastructure.

Upang makamit ang mga plano ng gobyerno na tugunan ang malawakang pagbaha sa bansa at mabawasan ang mga gastos, nanawagan si Cayetano ng mas malakas na suporta at tamang pagpopondo para sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Science and Technology (DOST).

About The Author