![]()
NANAWAGAN ang ina ng nasawing rider na si Alexander Quintos Cruz sa mga awtoridad na pabilisin ang pag-usad ng kaso at iba pang proseso para agad makapaglabas ng warrant of arrest laban sa inirereklamong anak ng vice mayor ng Marikina.
Si Cruz ang rider na isang linggo na-coma bago namatay matapos mabangga ng SUV na minamaneho ni David De Guzman.
Sa isang post sa Facebook, inihayag ni Mary Anne Quintos Cruz ang pangamba na baka makatakas pa si De Guzman.
Aniya, pormal na niyang naisumite sa Office of the City Prosecutor sa Marikina ang certified true copy ng death certificate ni Alexander, na aniya’y kumukumpleto sa mga pangunahing dokumentong kailangan sa kaso.
Dahil dito, hiniling niya sa mga piskal na agad tapusin ang preliminary investigation at maglabas ng kaukulang resolusyon kung may sapat na basehan upang maisampa ang kaso sa korte.
Iginiit din ng nanay ng biktima na nakakaramdam sila ng takot.
Patuloy namang umaasa ang pamilya Cruz na makakamit nila ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.
