![]()
DAPAT magdouble time ang gobyerno upang agad mahuli at maiuwi sa bansa si dating Cong. Zaldy Co upang harapin ang mga alegasyon kaugnay sa flood control anomalies.
Ito ang iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Ping Lacson na nagsabing nalalagay ngayon sa nakakahiyang sitwasyon ang gobyerno makaraaang mabigong maiuwi si Co matapos ianunsyo na nahuli na ito.
Sinabi ni Lacson na walang ibang dapat sisihin dito kundi mismong ang gobyerno dahil hindi agad kumilos upang malaman ang sinasabing pagkakahuli kay Co.
Sinabi ni Lacson na dapat magbuhos ng ekstrang effort ang pamahalaan hindi lamang upang isalba ang sarili sa naginng pagkukulang kundi upang ipakita ang sinseridad at pagiging seryoso nito na maiharap sa hustisya si Co at mga kasabwat nito.
Sa panig ni Senador Sherwin Gatchalian, iginiit na dapat mabilis nang kumilos ang Department of Foreign Affairs upang kanselahin ang dalawa pang pasaporte ni Co.
Ito ay makaraang makatanggap ng impormasyon na tatlo ang hawak na pasaporte ni Co at isa lamang ang nakansela ng DFA.
Nakakapanghinayang anya na hindi naagapan ng mga awtoridad si Co na maibalik sa bansa subalit iginiit na sadyang kumplikado talaga ang sitwasyon dahil may umiiral na international law.
