dzme1530.ph

Fetus, natagpuan sa palikuran ng babae sa NAIA T1

Isang fetus ng tao ang natuklasan sa isang palikuran ng babae sa East Departure ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Sa inisyal na impormasyon ng PNP Aviation Security Group nagsagawa ng regular na paglilinis ng palikuran ang isang building attendant para kolektahin ang basura kung saan nakita ang tissue na puro dugo sa isang cubicle.

Sa karagdagang inspeksyon, naalarma ang kawani ng Paliparan nang matuklasan ang fetus na natatakpan ng napkin tissue.

Agad namang rumesponde sa pinangyarihan ang mga miyembro ng MIAA Airport Police Department (MIAA-APD) at MIAA Medical Team kung saan nakumpirma na isang buwang gulang na fetus ang laman ng napkin tissue.

Ang labi ay dinala ng MIAA-APD sa Ninoy Aquino International Airport Police Station 1 (NAIA PS1) para sa kaukulang aksyon at disposisyon.

Samantala, nagsasagawa ng joint investigation ang NAIA Police Station 1, Airport Police Department, para matukoy ang pagkakilanlan at kinaroroonan ng ina ng fetus.

About The Author