dzme1530.ph

EXTRADITION KAY APOLLO QUIBOLOY, DAPAT NANG MADALIIN

Loading

PINABIBILISAN ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Justice ang extradition process laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy at maipadala na siya sa Estados Unidos.
 
Sinabi ni Hontiveros na panahon nang papanagutin si Quiboloy sa kanyang kasong trafficking ng mga babae at batang babae mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
 
Binigyang-diin ng senador na ang pananatili sa bansa ni Quiboloy ay nakakahikayat sa kanyang mga tagasunod na i-harass ang mga biktima na matapang na tumestigo laban sa kanya.
 
Ipinaalala ni Hontiveros na sa kanilang mga pagdinig sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, narinig ang mga testimonya ng mga babaeng naging biktima ng self-proclaimed Son of God.
 
Una nang kinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Babes Romualdez na may formal request na ang US government para sa extradition kay Quiboloy upang litisin sa kanyang sex trafficking at racketeering charges.
 
Sa ngayon ay nananatili sa kulungan si Quiboloy bunsod ng kanyang mga kasong human trafficking at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

About The Author