![]()
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na maisasaayos na nila ang listahan ng mga driver ng public utility vehicles na mabibigyan ng ayuda kung kinakailangan.
Sa panayam ng DZME Radyo TV, ipinaliwanag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na matapos ang manual payout na ginagawa nila ngayon ay mas magiging malinis na ang listahan.
Ito naman anya ang gagamitin nila sa isasagawang digital payments para sa susunod na payout.
Kaugnay nito, nananawagan naman si Dumlao sa ibang mga driver na huwag nang magtungo sa mga payout centers kung hindi naman nakatanggap ng mensahe ng imbitasyon mula sa DSWD para sa financial aid.
Ito ay kasunod ng reklamo ng mga driver na dumagsa sa special payout sa Quezon City kahapon subalit hindi naman nakakuha ng ayuda.
