![]()
5 million family food packs ang nakahandang ipamahagi ng pamahalaan, kasunod ng epekto ng masamang panahon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ng ahensya na bawat isang family food pack ay kayang punan ang pangangailangan ng isang pamilya na may limang miyembro sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Inihayag ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na ang food packs ay nakalagay sa hubs na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa para mas mabilis ang distribusyon kung kinakailangan.
Aniya, mahigit 805,000 boxes ng food packs ang nasa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City, habang mahigit 475,000 boxes ang nasa Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City at mahigit 196,000 boxes naman ang nasa Mindanao Disaster Resource Center sa Butuan City.
Idinagdag ni Dumlao na mayroon ding 1.6 billion pesos na standby funds ang DSWD para sa disaster response operations.