dzme1530.ph

DOH, MAY SAPAT NA GAMOT AT PINALAWAK NA BENEPISYO KONTRA LEPTOSPIROSIS

Loading

NAKAHANDA ang Department of Health o DOH sa mga posibleng kaso ng leptospirosis ngayong panahon ng tag-ulan, partikular sa mga lugar na nakaranas ng pagbaha.
 
Ayon sa DOH, may 3.1 milyong kapsula ng Doxycycline na nakahanda para sa mga ospital at lokal na pamahalaan. Maaari ring makakuha ng gamot ang mga kwalipikadong pasyente sa tinatayang 3,000 PhilHealth-accredited GAMOT providers sa pamamagitan ng kanilang YAKAP providers.
 
Pinalawak naman ng PhilHealth ang benepisyo para sa leptospirosis. Ang regular hospitalization benefit ay ₱63,000 na ngayon, mula sa dating ₱21,450, habang maaaring umabot sa ₱411,000 ang coverage para sa malulubhang kaso.
 
Batay sa datos ng DOH hanggang Agosto 8, 3,440 kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa—35 porsiyentong mas mababa kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
 
Paalala ng DOH, iwasang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat o galos. Kung na-expose sa baha, maghugas agad gamit ang sabon at malinis na tubig at magpakonsulta sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
 
Agad ding magpatingin kung makaranas ng lagnat, pananakit ng katawan, sakit ng ulo, panginginig o pamumula ng mga mata.

About The Author