dzme1530.ph

DILG Sec. Abalos, nanindigang walang special treatment kay Alice Guo

Nanindigan si DILG Sec. Benhur Abalos na walang special treatment sa nadakip na si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay sa harap ng pagbatikos sa tila mainit na pag-trato at pakikipag-usap ni Abalos kay Guo, at gayundin sa mga kuha ng litrato kung saan nakangiti at naka-peace sign pa ang dating alkalde kasama ang kalihim at si PNP Chief Police Gen. Rommel Marbil.

Sa ambush interview sa Antipolo City, inihayag ni Abalos na ang litrato ay kuha sa pribadong meeting nila sa Indonesia kung saan inilahad ni Guo ang umano’y banta sa kanyang buhay o death threat.

Ipinaliwanag ni Abalos na nakatingin siya ng direkta sa camera kaya’t hindi niya nakita at napansin na “nagpapacute” pala sa picture si Guo.

Kaugnay dito, iginiit ni Abalos na walang special treatment kay Guo at tina-trato itong parang isang pangkaraniwang detainee kung saan kinunan na ito ng mugshot at nakakulong na ito sa PNP Custodial Facility. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author