AMINADO si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na labis siyang nababahala sa impormasyon na isa sa bawat limang nagtapos ng senior high school ang hirap o hindi makaunawa ng isang simpleng istorya.
Sa pagdinig sa Senado, binanggit ni Gatchalian ang datos na mayroong 18.9 million na mga Pilipino ang inalis sa bagong depinisyon ng “functional literate” pero kasama sa mga nakapagtapos ng pag-aaral sa high school.
Ipinaliwanag ni Assistant National Statistician Adrian Cerezo sa pagdinig na batay sa 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey, 79 percent ng senior high school graduates ang functionally literate habang mayroong 21 percent na nagtapos subalithindi marunong magbasa at makaunawa.
Lumitaw din sa pag-aaral na aabot sa 24.8 million na mga Pilipinong edad sampu pataas sa buong bansa ang may problema sa understanding at comprehension o hirap umunawa o hirap magproseso ng kaalaman.
Tinatawag itong functional illiterate o ibig sabihin marunong sila magbasa at sumulat pero hirap silang umunawa at umintindi.
Naitala din noong nakaraang taon ang 5.8 million na mga Pilipino ang tinatawag naman na “basic illiterates” o “no read, no write” o hindi nakakapagbasa, hindi nakakasulat at hindi rin nakakapagbilang.
Dahil dito, kinalampag ng seandor ang education sector na agad tugunan ang problema.
Partikular siyang nanawagan sa Department of Education na maging proactive sa pagtiyak na walang estudyante ang magtatapos sa pag-aaral na hindi marunong magbasa, magsulat at umunawa.