Pinaghahandaan na ni dating PNP Chief Oscar Albayalde ang posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs.
Gayunman, sinabi ni Albayalde na sa ngayon ay nananatiling espekulasyon ang umano’y ipalalabas pang warrant ng ICC.
Tiniyak naman ng retiradong heneral na gagamitin niya ang lahat ng legal remedies, bagaman sa huli ay desisyon pa rin ng gobyerno ang masusunod.
Inihalimbawa ni Albayalde ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaya ano pa kaya aniya, ang maaaring sapitin ng isang ordinaryong mamamayan lamang.
Nanindigan din si Albayalde na nagsilbing PNP Chief sa termino ni Duterte, na walang opisyal na kautusan na patayin ang mga suspek sa drug war.