dzme1530.ph

CRACKING O PAGPAPATUNOG NG MGA DALIRI: DELIKADO NGA BA SA KALUSUGAN? ALAMIN

Loading

Karaniwan na sa maraming Pilipino ang pag-crack ng mga daliri, lalo na kapag naiinip, naistress, o gustong maibsan ang pananakit ng kasu-kasuan.

Pero sa kabila ng nakasanayang gawain na ito, may mga tanong pa rin kung ito ba ay may masamang epekto sa kalusugan.

Ayon sa mga eksperto, ang tunog na naririnig kapag nag-crack ng daliri ay mula sa paglabas ng gas bubbles sa loob ng joint fluid.

Hindi ito dahil sa pagkabali ng buto, kundi isang normal na reaksyon ng mga kasu-kasuan kapag ito ay naiuunat o naiinat.

Sa kasalukuyang pag-aaral, walang matibay na ebidensya na nag-uugnay sa pag-crack ng daliri sa malubhang kondisyon gaya ng arthritis.

Gayunman, may ilang pag-aaral na nagsasabing ang sobrang pag-uulit nito ay maaaring magdulot ng bahagyang paghina ng kapit ng kamay o iritasyon sa mga ligaments.

Ipinapayo ng mga doktor na bagama’t hindi ganap na mapanganib, dapat pa rin itong gawin nang may pag-iingat. Ang madalas at malakas na pag-crack ay maaaring magdulot ng pananakit o pamamaga sa ilang tao.

Para sa mga nakararanas ng pananakit sa mga daliri, mas mainam na mag-stretching exercises, magpahinga, at iwasan ang paulit-ulit na galaw na maaaring makasama sa kasu-kasuan.

About The Author