Hiniling ng Bureau of Corrections sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng parallel investigation sa nangyaring pananaksak sa loob ng New Bilibid Prison.
Nagresulta ito sa malagim na pagkamatay ng isang person deprived of liberty (PDL) at nag-iwan ng dalawang iba pang nasugatan.
Sa hiwalay na liham na nilagdaan ni BuCor Officer-in-Charge, Asec. Al Perreras kay NBI Director, Jaime Santiago at PNP Chief, P/Gen. Rommel F. Marbil, hinihiling ng BuCor sa dalawang ahensya na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon, upang malaman ang katotohanan.
Nais ng BuCor ang transparency sa imbestigasyon at matukoy ang pananagutan sa pagkamatay ni PDL Ricardo Peralta at ang pagkakasugat ng dalawang iba pa.
Inatasan din ni Perreras si C/SUPT Roger Boncales, Acting Superintendent ng NBP na magsumite ng komprehensibong incident report hinggil sa insidente at makipagtulungan sa imbestigasyong isasagawa ng NBI at PNP. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News