dzme1530.ph

BANK AT TAX RECORDS NI VP SARA DUTERTE, NAISUMITE NA SA IMPEACHMENT COURT

Loading

KINUMPIRMA ni Impeachment Clerk of Court at Senate Secretary Atty. Renato Bantug na naisumite na sa kanila ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte matapos ipasubpoena batay sa kahilingan ng House Prosecution Panel.
 
Sinabi ni Bantug na una nilang natanggap ang tax records ng Bise Presidente na dinala ng mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos makatanggap ng letter of authority mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
 
Ipinaliwanag ng Clerk of Court na magsasagawa sila ng imbentaryo ng mga natanggap na records batay sa subpoena, kung saan kasama rin ang tax records ng asawa ng Bise Presidente na si Atty. Mans Carpio.
 
Nagtungo na rin sa Senado ang mga kinatawan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga bangko na nakatanggap ng subpoena duces tecum para sa isusumiteng financial records ni VP Sara, ng kanyang asawa, at ng 19 na kumpanya na may kaugnayan sa kanila.
 
Nabatid na nakatugon ang mga ito sa deadline na 9:00 a.m. ngayong umaga, subalit upang maging maayos ang sistema ay binigyan sila ni Bantug ng specific time para dalhin ang mga dokumento sa korte.

About The Author