![]()
Handang harapin nina Atty. Levi Baligod at ng mga tinaguriang “maleta boys” ang anumang reklamong maaaring ihain nina Senador Kiko Pangilinan at Megastar Sharon Cuneta kaugnay ng pagkakasama ng kanilang larawan sa isang presentasyong inilabas kamakailan.
Sa ambush interview sa Department of Justice (DOJ) ngayong araw, sinabi ni Baligod na kung naniniwala ang mag-asawa na sila ay nasiraan o nainsulto, malaya silang magsampa ng kaukulang kaso upang maipagtanggol ang kanilang pangalan.
Nilinaw rin ng abogado na hindi siya ang gumawa ng naturang presentasyon at wala siyang impormasyon kung bakit naisama ang larawan nina Pangilinan at Cuneta.
Ayon pa kay Baligod, mas mabuting huwag nang palakihin ang isyu at hayaang umusad ang mga legal na proseso kung kinakailangan.
Nasa DOJ si Baligod kasama ang 18 indibidwal, kabilang ang dating broadcaster na si Jay Sonza, upang magsumite ng rejoinder sa reklamong libel at cyberlibel na inihain ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa alegasyong tumanggap umano si Trillanes ng dalawang milyong dolyar mula kay dating kongresista na si Zaldy Co upang suhulan ang mga tauhan ng International Criminal Court (ICC), isang paratang na una nang mariing itinanggi ng senador.
