![]()
UMAASA si Senador Joel Villanueva na maipatutupad nang maayos ng mga ahensya ng gobyerno ang bagong lagdang Inter-Agency Standard Operating Procedures sa pagbabawal sa mga Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Sinabi ni Villanueva na buo ang kanyang suporta sa inilabas na SOP kasabay ng pagkilala sa direksyon ng administrasyon laban sa mga POGO.
Iginiit ni Villanueva na matagal nang kinakastigo ang mga POGO dahil sa masamang epekto nito sa lipunan.
Wala anyang ambag ang mga negosyong ito sa bansa at sa halip ay katakut-takot na salot pa ang dala tulad ng mga krimen at iba pang iligal na gawain.
Binigyag-diin ng senador na malaki ang naidulot na pinsala ng mga POGO sa ekonomiya.
Ipinaalala niyang halos P100 bilyon ang pagkalugi ng gobyerno sa operasyon ng mga POGO kaya’t ang mamamayan ang dehado.
Bilang isa sa mga may akda ng Anti-POGO Act sa Senado, iginiit ni Villanuvea na dapat ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga polisiya laban sa operasyon ng POGO.
