dzme1530.ph

MALINAW NA PATAKARAN SA PAG-BAN NG MGA POGO, DAPAT MATAGAL NANG NAIPATUPAD

Loading

IGINIIT ni Senador Risa Hontiveros na dapat matagal nang naipatupad ang mga malinaw na gabay sa pagba-ban ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
 
Sinabi ni Hontiveros na welcome development ang bagong lagdang Standard Operating Procedures (SOP) para pagbabawal sa POGO kasabay ng panawagan para sa mas maigting na aksyon laban sa mga umiiral pa ring ilegal na operasyon.
 
Ipinaliwanag ng senador na sa mga isinagawang pagdinig sa Senado, lumitaw na hindi lamang simpleng pagsusugal ang nangyayari sa mga POGO hub, kundi nagsisilbi rin itong paraan sa mas malawak na kriminal na aktibidad.
 
Tinukoy ng senadora na kabilang sa mga iligal na gawaing ito ang human trafficking, scam operations, extortion, illegal detention, at money laundering.
 
Binigyang-diin niya na hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang nabubuwag ang mga network na sangkot sa mga krimeng ito.
 
Iginiit din ng mambabatas na dapat tutukan ng bagong SOP hindi lamang ang pagsasara ng mga POGO hub kundi ang buong istruktura ng kriminal na operasyon sa likod nito.
 
Hinikayat niya ang buong pamahalaan na ipakita ang seryosong pagpapatupad ng Anti-POGO Law at habulin ang lahat ng sangkot—mula sa mga operator at protector hanggang sa recruiter at financier.

About The Author