dzme1530.ph

PONDO NG PHILHEALTH AT PDIC NA NAILIPAT SA IBANG AHENSYA, IGINIIT NA IBALIK NANG BUO

Loading

KINALAMPAG ni Senador Loren Legarda ang executive department at mga kapwa mambabatas upang tiyaking maibabalik nang buo ang mga pondo ng Philhealth at Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC na ini-realign o inilipat sa ibang programa ng gobyerno.
 
Iginiit ni Legarda na ang pondo ay para sa pagtupad ng responsibilidad ng gobyerno na laging tiyakin ang sapat na alokasyon para sa health services at para sa proteksyon ng mga deposito sa bangko.
 
Sa PDIC, sinabi ni Legarda na may P107.23 billion mula sa pondo nito na ipinaremit sa national treasury na ibig sabihin ay puwedeng gamitin sa ibang ahensya at programa ng gobyerno.
 
Sa panukalang pambansang budget para sa 2027, ipinababalik sa PDIC ng pondo pero P57 billion o higit kalahati pa lang ng kinuha rito, at ipinasok pa ito sa unprogrammed appropriations na magdedepende sa availability ng pondo at sa iba’t ibang kondisyon.
 
Sa Philhealth, iniutos na ng Supreme Court na ibalik dito ang P60 billion na ipinaremit sa national treasury noong 2024.
 
Pero may bilyon-bilyon pang dapat anyang ma-remit sa Philhealth mula sa sin taxes, mula PCSO at Pagcor, alinsunod sa utos ng universal health care law.
 
Ayon kay legarda, may P106.95 billion na hindi nareremit ang PCSO at Pagcor sa Philhealth habang sa susunod na taon, aabot na sa P133.24 billion ang share ng Philhealth mula sa sin taxes na dapat ditong i-remit ng national government.

About The Author