dzme1530.ph

Assistant provincial prosecutor patay sa ambush sa Digos City

Dead On Arrival ang assistant provincial prosecutor ng Davao Occidental sa isang ambush sa Barangay Aplaya sa Digos City pasado 5:00 p.m. nitong Lunes.

Sa nakuhang information ng DZME 1530, sa inisyal na pahayag ni Lt. Col. Florante Retes, hepe ng Digos City Police Station, namatay sa loob mismo ng kanyang puting Ford Raptor pick-up truck ang 54-anyos na piskal na si Eleanor Polancos Dela Peña, na naka-destino sa bayan ng Malita sa Davao Occidental.

Minamaneho ni Dela Peña ang kanyang sasakyan pauwi sa kanyang tahanan sa Tienda, Barangay Aplaya, isang residential area sa Digos City, ng paputukan ng ilang beses ng isang lalaking nakaabang sa kanya at mabilis na tumakas gamit ang motorsiklong Honda Click.

Inaalam pa ng mga imbestigador ng Digos City Police Force at Intelligence agents ng ibat-ibang unit ng Police Regional Office 11 kung sino ang salarin at kung ano ang motibo nito sa pagpatay kay Dela Peña.

Ang tanggapan ng napaslang na si Dela Peña ay matatagpuan sa bayan ng Malita sa Davao Occidental na hindi kalayuan sa Digos City na siyang kabisera ng probinsya ng Davao del Sur.

About The Author