![]()
IDINEKLARA ng Impeachment Court bilang hostile witness si Lemuel Ortonio, ang kasalukuyang assistant chief of staff ng Office of the Vice President (OVP).
Inaprubahan ni Impeachment Presiding Officer Chiz Escudero ang mosyon ng prosecution matapos tanungin si Ortonio tungkol sa kanyang kasalukuyang posisyon sa OVP at relasyon sa trabaho kay VP Sara.
Sa pagtatanong ni Escudero, kinumpirma ni Ortonio na naglilingkod siya base sa kagustuhan ni Vice President Sara Duterte, na matagal na siyang nagtatrabaho para kay VP Sara at hanggang ngayon ay si VP Sara pa rin ang kanyang boss.
Kinumpirma rin ni Ortonio na kapag na-impeach si VP Sara ay mawawalan rin siya ng trabaho.
Sa ngayon ay may posisyong Assistant Secretary si Ortonio sa OVP at may katumbas na Salary Grade 29.
Si Ortonio ang ikalawang testigong pormal na idineklarang hostile witness sa impeachment trial ni VP Sara.
