dzme1530.ph

Approval ng panukalang budget ng bawat ahensya ng gobyerno, ibabatay sa merito ng pangangailangan

Ibabatay ng mga senador sa merito ng pangangailangan ng bawat ahensya ng gobyerno ang pag-apruba sa kanilang ipinapanukalang budget para sa susunod na taon.

Ito ang tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe kasunod ng naging sitwasyon ng pagtalakay sa panukalang budget ng Office of the Vice President sa Kamara.

Sinabi ni Poe na aayusin at aaprubahan ng Senado ang pondo ng bawat ahensya base sa pangangailangan ng bawat opisina at hindi sa kung sino ang nakaupong Kalihim.

Isasailalim aniya nila ang bawat ahensya sa matinding pagbusisi upang matiyak na ang panukalang pondo ay mailalaan sa dapat na layunin at magagastos ng wasto.

Sa huli aniya ay gugustuhin ng Mataas na Kapulungan na mayroong pondo ang mga ahensya upang magawa nito ang kanilang mga mandato na maihatid ang napapanahon, episyente at mahahalagang serbisyo na ramdam ng taumbayan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author