Tatanggapin ng Comelec ang Certificate of Candidacy (COC) ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para sa Halalan 2025, subalit maari itong ma-disqualify kung hindi makakukuha ng Temporary Restraining Order (TRO).
Sa media briefing, tinukoy ni Comelec Chairman George Garcia ang grounds for disqualification, gaya ng deklarasyon ng nuisance candidate, petisyon na nagkakansela sa COC bunsod ng edad at citizenship, at desisyon ng Ombudsman na ipatupad ang perpetual disqualification mula sa panunungkulan sa public office.
Una nang inihayag ni Comelec Spokesman John Rex Laudiangco na walang kapangyarihan ang Poll body na otomatik na kanselahin ang COC ni Guo, dahil nakadepende ito sa desisyon ng Ombudsman.
Noong Biyernes ay inihayag ni Stephen David, legal counsel ni Guo, na magsusumite ang dismissed mayor ng COC nito sa huling araw ng paghahain ng kandidatura, bukas.
Si Guo na kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail Female Dormitory ay nahaharap sa patong-patong na kaso, kabilang ang graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion dahil sa pagkakasangkot niya sa iligal na operasyon ng POGO sa Bamban. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera