![]()
Hindi pumasa kay Atty. Amando Virgil Ligutan, counsel for the House panel of prosecutors, ang alibi na “alias” o “aliases” lamang ang mga pangalan na nakalista sa acknowledgment receipts ng mga tumanggap ng confidential funds.
Tanong ni Atty. Ligutan, kung alias ang mga pangalang ginamit ng recipients, bakit may mga pirma ang mga ito.
Dagdag pa niyang tanong, “pati ba ang mga pirma ay alias din?”
Ang mga pangalang gaya ni Mary Grace Piattos at marami pang iba ay inilista at isinumite sa Commission on Audit (COA) upang i-liquidate ang P612.5 milyon na confidential funds na inilabas sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.
Gayunman, sa sertipikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA), marami sa mga inilistang recipients ang walang nakitang record ng kapanganakan, kasal, o kamatayan.
Nakita rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na marami sa mga pirma sa acknowledgment receipts ay magkakahawig ang lagda, o tila ginawa lamang ng isa o ilang tao.
Hindi naman masagot ng depensa kung ang mga pangalang ito ay mga alias o mga totoong tao.
