dzme1530.ph

Dagdag pondo para sa mga programa sa mga OFW, isusulong ni Sen. Tulfo

Isusulong ni Senador Raffy Tulfo ang dagdag na pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat.

Bukod dito, nangako rin si Tulfo na patuloy na ipaglalaban ang pagsasabatas ng Magna Carta of Seafarers na ngayon ay nasa 2nd reading na sa Senado.

Ginawa ng senador ang kanyang mga pangako sa pagbisita sa mga OFW sa Dubai kasama sina DMW Usec. Hans Cacdac, OWWA Administrator Arnel Ignacio, Ambassador Ferdinand Ver, at Philippine Consul General Renator Duenas Jr.

Kasama ni Tulfo ang ilang mga OFW na naging negosyante sa Dubai sa pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day at dumalo rin bilang panauhing pandangal sa isang basketball competition.

Binisita rin ni Tulfo ang Migrant Workers Repatriation Center kung saan nadatnan niya ang ilang OFW na nasa shelter at sumasailalim sa jewelry making bilang skills training na binibigay ng OWWA bilang paghahanda sa pagbalik sa Pilipinas.

Inirekomenda ng senador ang paglalagay ng dressing room at sariling locker ng bawat OFW sa shelter upang magkaroon ng privacy at ipinatatanggal ang CCTV sa isang sulok ng isolation room bukod pa sa pagdaragdag ng cooling fan sa dining area dahil sa sobrang init.

Iginiit din ni Tulfo ang pagdaragdag ng toilet at shower area bukod pa sa paglalagay ng maayos na lugar para sa paglalaba at sampayan.

Binigyang-diin ng senador na ang mga OFW na napunta sa shelter ay nakaranas ng matinding krisis tulad ng pagmamalupit at pananakit kaya nararapat lamang na sila ay maalagaan ng maayos at mabigyan ng komportableng pansamantalang tahanan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author