dzme1530.ph

Mababang sahod ng mga nurses sa bansa, nais ipasilip sa Senado

Nais ni Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go na silipin ng Senado ang mababang sahod ng mga nurse partikular sa mga pribadong ospital.

Sinabi ni Go na dapat bumalangkas ng mga polisiya upang matiyak ang maayos na kompensasyon sa mga nurse at iba pang healthcare workers na isinasakripisyo ang kanilang buhay para sa pagbibigay ng serbisyong medikal.

Pinuna ng senador ang ilang pribadong pagamutan na sa kabila nang mataas na singil sa kanilang serbisyo sa mga pasyente ay mababa naman ang pasahod sa kanilang mga empleyado.

Para naman sa mga healthcare workers sa mga pampublikong pagamutan, umaasa si Go na maisasabatas ang kanyang panukala para sa Salary Standardization Law 5 upang maitaas ang sahod ng mga ito.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na dapat lamang na bigyang importansya ang mga nurse kaya’t isinusulong din niya ang advance nursing education bill para sa mas maayos na nursing curriculum sa bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author