Nangangamba si Land Transportation Office (LTO) Acting Chief Hector Villacorta na lalo pang dumami ang fixers sa kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng E-Governance o ang computerization.
Sa pagdinig sa Senado, ipinaliwanag ni Villacorta na malaking bilang ng kumukuha ng lisensya at nagpaparehistro ng mga sasakyan ay hindi computer literate.
Dahil dito, madali anya silang naaakit sa mga fixers sa labas ng LTO na nag-aalok ng assistance sa computer kapalit ng P2,000.
Kaya naman iminungkahi ni Villacorta kay Senador Alan Peter Cayetano na ikunsidera sa pagbalangkas ng E-Governance Law ang hybrid system kung saan may public assistance para sa mga hindi marunong sa computer at hindi na nila kailangan pang lumapit sa mga fixers sa gilid ng East Avenue sa Quezon City.
Sa positibong aspeto naman, sinabi ni Villacorta na malaking tulong ang e-governance at digitalization sa pagpapadali sa buhay ng mga commuter dahil sa mga ride hailing apps. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News