Iginiit ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na maraming opsyon ang Senado upang pilitin ang mga resource person na makipagtulungan sa isinasagawa nitong Investigation in Aid of Legislation.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag kaugnay sa pagtatanong ni Sen. Robin Padilla kung ano pa ang maaaring gawin ng Senado upang makuha ang kooperasyon ng mga pulis na iniimbestigahan kaugnay sa umano’y pagtatangkang icover up abf pagkakasabat ng 990 kilos na shabu sa lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Zubiri na totoong nakakagigil at nakakagalit ang aksyon ng mga pulis na humarap sa pagding ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na tila pinaglalaruan at pinaiikot ang mga senador.
Ipinaliwanag ng senate president na bukod sa contempt ay maaari ring magsampa ng class suit ang Senado sa mga pulis na tila umaabuso na sa paggamit ng kanilang Right Against Self-incrimination at Right to Remain Silent.
Maaari ring irekomenda ng Senado sa PNP at NAPOLCOM na isailalim sa suspensyon ang mga pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado upang sila ay madisarmahan.
Nagbabala rin si Zubiri na posibleng matagalan din sa pagkakakulong ang mga pulis na na-Cite for Contempt hanggat hindi sila handang makipagtulungan.
Ipinaliwanag ng senate president na may kapangyarihan ang Senado na patagalin ang contempt charges laban sa mga ito hanggat hindi natatapos ang regular session ng Kongreso. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News