Nais ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na saksihan ng economic team ng gobyerno ang interpelasyon ng mga senador sa isinusulong na Maharlika Investment Fund bill.
Nakiusap si Zubiri sa sponsor ng Senate Bill 2020 na si Sen. Mark Villar na padaluhin sa sesyon ng Senado ang economic team partikular si Finance Sec. Benjamin Diokno.
Ito anya ay upang ipakita sa publiko na pina-prayoridad ng gobyerno ang panukala.
Kasabay nito, kinumpirma ni Zubiri na target nilang aprubahan ang panukala bago ang adjournment ng Kongreso sa susunod na Linggo.
Sa interpelasyon kagabi ni Senador Grace Poe kay Villar, isa sa naging paksa ang posibilidad ng accountability ng mga miyembro ng board of directors ng bubuuing Maharlika Investment Corporation sa sandaling magkaroon ng iregularidad.
Sinabi ni Villar na alinsunod sa panukala, bukod sa kasong kahaharapin ay maaaring ma-forfeit ang mga benepisyong dapat matanggap ng board of director na masasangkot aa kwestyonableng aktibidad.
Kasabay nito, nanawagan si Poe sa mga kasamahan sa Kongreso na kung ipapasa ang panukala ay tiyaking protektado ang pondong mailalagay dito at may sapat na safeguards upang maiwasan ang anumang katiwalian. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News