![]()
INAMIN ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. na nakakatakot ang pagbaba ng reserbang dolyar ng bansa.
Sa gitna ito ng pagtatanong ni Senador Imee Marcos sa budget deliberations kung hindi nakakatakot na inuubos na ang lahat ng dolyar sa bansa, kung saan mula sa $113 billion dollar reserves ay bumaba pa sa $98 billion ang gross international reserves ng Pilipinas.
Gayunman, nanindigan naman si Remolona na ang $98 billion dollar reserves ay bahagya pa ring ligtas dahil nananatili itong katumbas ng anim na buwang imports at tatlong beses na mas mataas kumpara sa short-term debt ng bansa.
Sa kabilang banda, iginiit ni Sen. Marcos na mas ligtas kung mapapanatili sa $104 billion ang reserbang dolyar ng pamahalaan.
Paliwanag ni Remolona, sa exports o pagluluwas ng mga produkto nanggagaling ang dolyar na pumapasok sa bansa at ang reserbang dolyar ay nagagastos sa imports kaya ito bumababa.
Patuloy ding nababahala ang mga mambabatas sa pagtaas ng inflation sa 7.8% noong nakaraang buwan mula sa 2.4% noong Pebrero at napuna rin ang mabagal na paglago ng ekonomiya.
