dzme1530.ph

ASEAN DIGITAL ECONOMY AGREEMENT, MALAKING OPORTUNIDAD PARA SA MSMEs, AYON SA ISANG SENADOR

Loading

ITINUTURING ni Senate President Sherwin Gatchalian na malaking panalo para sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement o DEFA.
 
Ayon kay Gatchalian, magbubukas ito ng mas malawak na oportunidad para sa maliliit na negosyo, kabilang ang mga nasa mga probinsya, upang mapalawak ang kanilang merkado sa iba’t ibang bansa sa rehiyon.
 
Gayunman, binigyang-diin ng senador na kailangang palakasin ng pamahalaan ang kakayahan at kompetensiya ng mga lokal na negosyo upang lubos na mapakinabangan ang kasunduan.
 
Kabilang sa mga dapat tutukan ang pagpapababa ng singil sa kuryente at internet connectivity, gayundin ang pagpapaunlad ng mas mabilis at episyenteng imprastraktura para sa logistics.
 
Sinabi ni Gatchalian na susuriin ng Senado ang mahahalagang probisyon ng kasunduan upang matiyak na mapapangalagaan at mapapalakas ang mga lokal na maliliit na negosyante, lalo na sa harap ng inaasahang pagpasok ng mas maraming produkto mula sa mga bansa sa ASEAN.

About The Author