![]()
Inaasahan ng House Prosecution Team na magkakaroon na ng verdict sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa kalagitnaan ng December.
Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, posibleng tapusin ng Defense Panel ang kanilang presentasyon ng mga ebidensya at testigo sa una o ikalawang linggo ng huling buwan ng taon.
Ito ay matapos ihayag ng Defense Team na nasa walo hanggang sampung testigo na lang ang posible nilang isalang sa witness stand.
Sinabi ni Ridon na apat sa mga testigong ito ay inaasahang maisasalang na ngayong linggo.
Posible naman aniyang iharap ang nalalabi pang apat hanggang anim na testigo sa susunod na linggo.
Umaasa naman si House Prosecution Counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr. na ilalabas ng depensa ang listahan ng iba pa nilang testigo upang maisyuhan ng subpoena.
Ito ay upang maiwasang maulit ang nangyari noong isang linggo na nasayang ang isang araw na inilaan sa trial dahil wala nang testigong maiharap.
