![]()
PORMAL nang inaako ng Pilipinas ang pamumuno sa ASEAN Labour Inspection Committee o ALICOM para sa taong 2027, na magbibigay-daan sa mas pinaigting na pagtutulungan ng mga bansa sa pagprotekta sa karapatan at kaligtasan ng mga manggagawa sa rehiyon.
Sa ika-6 na ALICOM Meeting sa Clark Freeport Zone, Pampanga, pormal na tinanggap ni Labor Undersecretary Felipe Egargo Jr. ang chairmanship sa ngalan ng Department of Labor and Employment.
Sa ilalim ng pamumuno ni Labor Secretary Francis Tolentino, kabilang sa mga pangunahing prayoridad ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga labor inspector, pagpapahusay ng pagpapatupad ng pamantayan sa paggawa, proteksiyon sa mga bulnerableng manggagawa at paggamit ng digital technology sa inspeksyon.
Partikular ding tututukan ang mga manggagawa sa mahirap maabot na sektor gaya ng pangisdaan, agrikultura, pagmimina at domestic work.
Isusulong din ang mas malawak na koordinasyon at pagtutulungan ng mga bansang ASEAN upang mapalakas ang inspeksyon at matiyak na naipatutupad ang mga batas-paggawa.
Ito ang unang pagkakataong pamumunuan ng Pilipinas ang naturang komite, na inaasahang magpapalakas sa proteksiyon ng mga manggagawa sa buong Timog-Silangang Asya.
