dzme1530.ph

60- DAY BAN SA IMPORTASYON NG KARNENG BABOY, MAGPAPATATAG SA LOKAL NA INDUSTRIYA

Loading

Tiwala si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na magiging matatag ang lokal na industriya ng pagbababoy sa bansa sa pagpapatupad ng Department of Agriculture ng 60-day ban sa pag-import ng karneng baboy.

Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang import ban upang makabawi sa gastusin sa produksyon ang mga lokal na magbababoy at matiyak ang kanilang patuloy na kabuhayan.

Ipinaalala ng senador ang patuloy na pagbaba ng farmgate price ng buhay na baboy, mula sa ₱215 per kilo noong June 2025 sa ₱150 na lamang noong August 2026.

Sa ilang lugar, bumagsak pa aniya sa ₱120 hanggang ₱160 per kilo ang presyo, na hindi na sapat upang matugunan ng mga hog raisers ang mataas na gastusin sa pag-aalaga ng baboy.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ni Pangilinan na magandang unang hakbang ang pagpigil sa pagpasok ng mga imported na karneng baboy upang makabangon ang lokal na industriya.

Gayunman, binigyang-diin ni Pangilinan na hindi dapat maging isang beses na intervention lamang ang 60-day import ban kundi bahagi ng mas malawak na programa para sa pagpapasigla ng hog industry.

Hiniling din niya sa DA na mahigpit na subaybayan ang farmgate prices habang ipinapatupad ang restriction at alamin kung sapat ang 60 araw upang makabawi ang mga magbababoy.

Ayon sa senador, dapat maging handa ang pamahalaan na palawigin ang import ban o magpatupad ng karagdagang hakbang kung mananatiling mas mababa sa production costs ang presyo ng buhay na baboy.

 

About The Author