![]()
Hinamon ng Malacañang ang Philippine National Police na tiyaking hindi makakaapekto ang dating posisyon ni Senador Ronald Bato dela Rosa sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya.
Una nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagsisilbing hadlang sa kanilang manhunt laban kay dela Rosa ang pagiging dati niyang hepe ng pambansang pulisya.
Si dela Rosa at si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ay kapwa graduate sa Philippine Military Academy.
Gayunman, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na naniniwala sila sa kapabilidad ni Nartatez at tiwala silang tutuparin ng pulisya ang kanilang mandato.
Ipinaalala ni Castro na tungkulin ng mga miyembro ng PNP na ipatupad ang mga kautusan mula sa korte alinsunod sa Konstitusyon.
Kaya naman hamon aniya ito kay Nartatez na sa kanyang pagkakakilala ay inuuna ang obligasyon at hindi ang pakikipagkaibigan o pakikipag-alyado kaninuman.
