dzme1530.ph

MGA BATAS NA SUMASAKLAW SA PROTEKSYON SA MGA HAYOP, SISILIPIN NG SENADO

Loading

NAKIISA na rin si Senador JV Ejercito sa mga panawagan para sa masusing imbestigasyon at pananagutan sa mga itinapong bangkay ng mga alagang hayop sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.
 
Sinabi ni Ejercito na nakagagalit at nakalulungkot ang sinapit ng mga hayop na iniuugnay sa isang pet crematorium sa Bacoor City.
 
Bilang isang pet lover, binigyang-diin ni Ejercito na ang mga alagang hayop ay hindi lamang mga pet kundi bahagi na rin ng pamilya na nararapat bigyan ng pag-aalaga at dignidad, kahit sa kanilang huling hantungan.
 
Ikinatuwa naman ng senador ang pagpapasara ng pamahalaang lungsod ng Bacoor sa nasabing pet crematorium at ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
 
Iginiit ni Ejercito na hindi sapat ang pagbabalik ng bayad sa mga kliyente upang panagutan ang umano’y kapabayaan at posibleng pang-aabuso.
 
Sinabi rin niya na dapat tiyaking sumusunod sa mga batas at regulasyon ang mga negosyong nagbibigay ng pet aftercare services.
 
Tiniyak ng senador na sisilipin din ng Senado ang insidente in aid of legislation upang matukoy ang mga kakulangan sa mga umiiral na batas at makapaglátag ng mga hakbang para hindi na maulit ang kahalintulad na pangyayari.
 
Binigyang-diin ni Ejercito na dapat seryosohin sa lahat ng panahon ang kapakanan at pagprotekta sa mga hayop, lalo na ng mga negosyong nagbibigay ng serbisyo para sa mga alagang hayop.

About The Author